Monday, March 26, 2012

Gasolina

Xandro Utotero,

Buhay ka pa pala. Akala ko nabaril ka na diyan habang nagnanakaw sa puno ng bayabas. Hahahaha may puno ba ng bayabas diyan? Naalala ko tuloy nung hinabol tayo dati ni Aling Pedra nung makita niya tayong nagnanakaw sa puno niya ng bayabas.

Kupal yung boss mong Polish a. Pero buti na yun, at least nalipat ka sa mas susyal na trabaho, meron ka pang sariling desk at computer na ginagamit. Oo nga, saan kaya nila ginagamit yang mga tina-transcribe mo? Ano bang sinasabi? Baka nage-espiya sila sa gobyerno natin. Putaaaaaa baka maya maya niyan i-training ka na rin nilang assassin kagaya nung nangyari sa napanood natin dati na Naked Weapon. Ingat ka diyan kase di ba sa Naked Weapon, nung magiging assassin na sila, ginahasa muna sila ng mga sundalo. Hindi sila nakalaban kasi may pampatulog yung binigay sa kanilang inumin. Kaya kung ako sa yo tingnan mo muna yung ibang umiinom ng kape bago ka kumuha, baka hindi ka makalaban pag dumating na yung mga sundalo.

Dito sa Pinas tumaas na naman ang presyo ng gasolina. Bad trip yung bawas sa kita pero buti na lang at wala akong pamilyang sinusuportahan, di gaya nung ibang driver na nakakakuwentuhan ko. Sabi sa radyo hindi lang naman sa Pilipinas tumataas ang presyo, sabi naman sa ibang istasyon, tatamad-tamad ang presidente. Ewan ko, hindi ko maintindihan, di ako sigurado kung sino papaniwalaan. Si Papa Jack na nga lang pinapakinggan ko ngayon e.

Akala ko masisiraan na ako ng bait nung isang linggo. May nagpahatid kasi sa akin sa New Manila, nadaan kami sa Balete Drive. Napunta sa white lady ang kuwentuhan. Sabi niya sa akin hindi naman daw masama ang mga white lady, gusto lang nila ng katarungan. Puwede mo nga raw kausapin kung gusto mo.

Ang sabi niya, kapag pakiramdam mo may white lady sa paligid, humanap ka ng salamin. O kaya kahit anong bagay na makikita mo ang sarili mo gaya ng tubig, makintab na bagay, malinis na tiles, ganun. Tapos daw, tumingin ka sa bagay na yun at magtanong ka, "May gusto ka bang sabihin?".

Pag ginawa mo daw yun lilitaw yung white lady kung meron nga. Hindi siya magsasalita kaya kailangan tingnan mo siyang mabuti. Puwedeng may ituturo siya sa yo, o kaya may tinitingnan siyang isang bagay. Kadalasan daw itinuturo niya o kaya tinitingnan yung lugar kung saan siya namatay, o kaya kung saan nakatago yung ipinampatay sa kanya. Puwede ring kung saan siya nagbigti o kaya kung saan nakatira yung pumatay sa kanya.

Kilala mo naman ako di ba. Hindi ako basta naniniwala sa mga ganyang bagay. Sinakyan ko lang nang sinakyan yung kuwento ng pasahero kasi baka magbigay ng malaking tip. Awa ng diyos sinobrahan ng singkuwenta yung bayad sa akin.

Tapos isang gabi, habang nagbibiyahe ako sa C-5, pagkalampas ng konti sa Market Market, may naramdaman akong kakaiba. Akala ko nasira lang yung aircon kaya inadjust ko. Pero ganun pa rin. Para bang may nakasakay sa likod tapos nakatingin sa akin. E wala naman nung tumingin ako sa rear-view mirror.

Dun ko naalala yung kuwento sa akin nung pasahero kong nagbigay ng singkuwenta pesos na tip. Medyo natawa ako, kinabahan nang konti, tapos sabi ko, "May gusto ka bang sabihin?"

Maya-maya may naamoy ako, parang nasusunog na karne. Tapos parang nag-iba yung liwanag sa taxi ko. Tapos tanginang yan, pagtingin ko sa rear-view mirror, may babaeng nasusunog sa loob ng taxi ko. Nasusunog talaga, yung lumalagablab na apoy. Sa buka ng bibig niya parang sumisigaw siya pero walang lumalabas na tunog.

Muntikan akong mabangga sa trak amputa. Tinabi ko muna yung taxi saka ko nilingon yung babae. Wala naman. Inisip ko kung nakalimutan ko bang maghapunan o kung nakasinghot ba ako ng rugby o kung anuman. Hindi naman.

Kinabukasan may nagpahatid sa akin sa Pembo. Kinuwento ko sa kanya yung sinabi nung isa kong pasahero, tapos kinuwento ko rin yung nangyari sa akin nung gabi. Sabi niya may nabalitaan nga daw siyang babae na sinunog banda dun. Ginahasa raw, tapos ibinaba dun. Pero hindi basta iniwan lang. Binuhusan pa daw ng gasolina tapos saka sinindihan. Hindi niya raw alam kung ano nang nangyari, basta yun ang nabalitaan niya.

Kawawa naman ang babaeng yun kung totoo ang kuwento. Ang problema, hindi ko alam kung ano yung sinabi niya sa akin nung nagpakita siya. Natakot ako e, di ko napansin kung may itinuturo ba siya o may sinasabi. Sabi nung isang driver na pinagkuwentuhan ko baka raw nakasakay na sa taxi ko yung gumahasa dun sa babae. E mahirap namang malaman yun, kasi marami na akong naging pasahero. Siguro pag di na ako kinakabahan, dadaan ako uli sa C-5 tapos tatanungin ko kung ano nga uli yung gusto niyang sabihin. Sa ngayon iinom na lang muna ako ng gin para makatulog.


Ingat at good luck sa yo diyan,

Delfin


P.S. Sori, alam kong ayaw mo ng mga ganitong kuwento. Kailangan ko lang talagang mailabas sa dibdib ko.

Saturday, March 24, 2012

Chatswood

Dear Delfin,

Kumusta ka na tol? Pasensya na hindi ako madalas makasulat kase heto busy na naman sa trabaho. Hindi na nga pala ko nagpipintura. Nakahanap ako ng ibang trabaho kase hindi puwedeng asahan yung painting job.

Nahinto kase painting namin kase nga panay ang ulan. Sabay nung umaraw na, ayaw na sa akin ng boss kong Polish kase daw nakahanap siya ng kapalit ko. Backpacker na Brazilian na naka-student visa. Mas gusto nga naman niya yun kase kahin di niya pasahurin ng sapat, hindi makakapagreklamo sa gobyerno yun kase nga, wala siyang karapatang magtrabaho dito. Kaya nga student visa e.

Sa ngayon, medyo ok naman yung bago kong trabaho. Ang position ko nga pala ay Tagalog Native Speaker. Bale ang ginagawa ko tina-transcribe ko yung mga telephone conversations ng kung sino-sinong tao diyan sa Pilipinas. Hindi ko alam kung para saan gagamitin ng kumpanya namin ito at wala naman ako sa posisyon para magtanong nang magtanong. Parang nabadtrip nga si Marimar (boss ko) nang tinanong ko kung para saan yung mga tina-type ko. Sabi ba naman "Don't worry about it, Xandro, your job is to type."

Kaya hayun type ako nang type, buong araw 8 am to 4 pm. Ang problema nga lang, lagi akong inaantok. Kaya panay ang kape ko. Tutal naman libre ang kape. Every 30 minutes, nagtitimpla ko ng kape at dinadala sa mesa ko. Kase kapag hininto ko yung pagkakape, makakatulog ako. Ayokong bigla na lang akong maghilik nang malakas, baka masibak ako.

Walong tasa ng kape sa umaga, sampung tasa ng kape sa hapon kase mas nakakaantok sa hapon. Kayoa tuloy pagdating ng gabi, hirap na hirap din akong matulog. Kadalasan, puyat. Kaya magkakape na naman ako kinabukasan. Hay buhay. Nakapanood ako minsan ng impeachment trial diyan ni Ernesto Corona. Ano makukulong na ba siya? Andami palang bahay ng hayop na iyon no? Buti pa siya, di niya kailangang mag-abroad, di  niya kailangang malayo sa bansa niya, para lang kumita ng maraming pera. Samantalang mga OFW na tulad ko, tinitiis ang lungkot, hirap, lahat ng kalechehan para lang kumita. Sabay yung taxes ng mga remittance namin, pinambibili lang ng mansion ng mga kurakot na pulitiko sa atin. Ang sakit.

Napautot nga pala ko nang malakas sa opisina, buti na lang naka-suot ng headphone lahat. Hahaha. Saka hindi rin naman ako aamin na ako yun kahit pa i-torture. Basta deadma ko nang mangyari, parang walang naaamoy na mabantot. Itlog pa naman yung lagi kong kinakain. Kaya na-imagine mo amoy non pre.

Sige ingat ka sa pagmamaneho. Balitaan mo ko ng mga bago mong adventures.


Nagmamahal,

Xandro


Sa labas ng office.

Train station sa Chatswood.

Computer ko sa office.

Pantry-dito ko kumakain ng baon kong itlog at kanin tuwing lunch.

Graffiti nadaanan ko habang naglalakad papuntang train station.
Hulaan mo kung sino naalala kong bigla nang makita ko ito.