Saturday, March 24, 2012

Chatswood

Dear Delfin,

Kumusta ka na tol? Pasensya na hindi ako madalas makasulat kase heto busy na naman sa trabaho. Hindi na nga pala ko nagpipintura. Nakahanap ako ng ibang trabaho kase hindi puwedeng asahan yung painting job.

Nahinto kase painting namin kase nga panay ang ulan. Sabay nung umaraw na, ayaw na sa akin ng boss kong Polish kase daw nakahanap siya ng kapalit ko. Backpacker na Brazilian na naka-student visa. Mas gusto nga naman niya yun kase kahin di niya pasahurin ng sapat, hindi makakapagreklamo sa gobyerno yun kase nga, wala siyang karapatang magtrabaho dito. Kaya nga student visa e.

Sa ngayon, medyo ok naman yung bago kong trabaho. Ang position ko nga pala ay Tagalog Native Speaker. Bale ang ginagawa ko tina-transcribe ko yung mga telephone conversations ng kung sino-sinong tao diyan sa Pilipinas. Hindi ko alam kung para saan gagamitin ng kumpanya namin ito at wala naman ako sa posisyon para magtanong nang magtanong. Parang nabadtrip nga si Marimar (boss ko) nang tinanong ko kung para saan yung mga tina-type ko. Sabi ba naman "Don't worry about it, Xandro, your job is to type."

Kaya hayun type ako nang type, buong araw 8 am to 4 pm. Ang problema nga lang, lagi akong inaantok. Kaya panay ang kape ko. Tutal naman libre ang kape. Every 30 minutes, nagtitimpla ko ng kape at dinadala sa mesa ko. Kase kapag hininto ko yung pagkakape, makakatulog ako. Ayokong bigla na lang akong maghilik nang malakas, baka masibak ako.

Walong tasa ng kape sa umaga, sampung tasa ng kape sa hapon kase mas nakakaantok sa hapon. Kayoa tuloy pagdating ng gabi, hirap na hirap din akong matulog. Kadalasan, puyat. Kaya magkakape na naman ako kinabukasan. Hay buhay. Nakapanood ako minsan ng impeachment trial diyan ni Ernesto Corona. Ano makukulong na ba siya? Andami palang bahay ng hayop na iyon no? Buti pa siya, di niya kailangang mag-abroad, di  niya kailangang malayo sa bansa niya, para lang kumita ng maraming pera. Samantalang mga OFW na tulad ko, tinitiis ang lungkot, hirap, lahat ng kalechehan para lang kumita. Sabay yung taxes ng mga remittance namin, pinambibili lang ng mansion ng mga kurakot na pulitiko sa atin. Ang sakit.

Napautot nga pala ko nang malakas sa opisina, buti na lang naka-suot ng headphone lahat. Hahaha. Saka hindi rin naman ako aamin na ako yun kahit pa i-torture. Basta deadma ko nang mangyari, parang walang naaamoy na mabantot. Itlog pa naman yung lagi kong kinakain. Kaya na-imagine mo amoy non pre.

Sige ingat ka sa pagmamaneho. Balitaan mo ko ng mga bago mong adventures.


Nagmamahal,

Xandro


Sa labas ng office.

Train station sa Chatswood.

Computer ko sa office.

Pantry-dito ko kumakain ng baon kong itlog at kanin tuwing lunch.

Graffiti nadaanan ko habang naglalakad papuntang train station.
Hulaan mo kung sino naalala kong bigla nang makita ko ito.

No comments:

Post a Comment