Sunday, June 17, 2012

Tess

Xandro,


Ayun. Akala ko nga marami ka nang naisulat dito e. Tagal rin kase akong di nakapag-internet. May nakilala kasi akong babae, si Tess. Nakatira siya malapit dito sa tinutuluyan ko.

Ang nangyari kasi, dumaan ako sa Kalayaan, umaasang makikita ko uli yung tsikas na nagpahatid sa akin dati sa Maginhawa. Tapos sumakay si Tess, nagpahatid sa may Anonas.

Maganda si Tess. Hindi siya artistahin pero may kakaibang dating ang hitsura. Yung tipong kailangan mong pakiusapan nang matagal bago isubo ang tite mo. Yung iba kasi mukhang basta lang sumusubo ng tite. Umuwi ka, isusubo ang tite mo. Pag malungkot ka, isusubo ang tite mo. Pag masaya ka, isusubo ang tite mo. Basta, maraming ganun ang hitsura dito sa Maynila. Ang hirap na ngang pag-iba-ibahin dahil pare-pareho ng istilo ng isinusuot at paraan ng pagme-makeup.

Nakikinig ako kay Papa Jack nung sumakay siya. May caller na nagkukuwento tungkol sa boyfriend niya, okey naman raw, mapagmahal, kaya lang maliit ang tite. Tapos nung malapit na kami sa Anonas, biglang nagsalita si Tess. Sabi niya wala naman raw sa laki yun, nasa technique daw yun. Tinanong ko siya kung from experience ba yung sinabi niya. Tumawa siya tapos sabi niya oo. Hininaan ko yung radyo.

Sabi ko di ba mas okey kung malaki na nga, magaling pa ang technique. Sabi niya hindi niya pa raw nasubukan. Kadalasan raw sabi nang sabi na malaki tapos pag nagkahubaran na hindi naman pala. Sabi ko ano bang dapat sabihin pag malaki talaga ang tite mo? Sabi niya hindi kasi sinasabi yun. Pinapakita.

Tiningnan ko siya. Sabi ko, e di hindi na ako magsasalita. Tumawa siya tapos sabi niya itabi ko na raw, bababa na siya. Ako nga pala si Tess, sabi niya habang nag-aabot ng bayad. Magkikita pa tayo uli, sigurado ako, dagdag niya. Tapos ngumiti siya. Ito yung tipo ng ngiti na kailangan mong pakiusapan nang matagal bago isubo ang tite mo.

Sabi ko, okey, bye, nice to meet you, Tess. Hindi ko alam kung bakit nag-English ako.

Kaya ayun. Ilang daan lang sa Kalayaan sa oras ng pag-uwi niya e natsambahan ko uli. Hiningi ko ang number niya kaya naging mas madalas ang paghatid o pagsundo ko sa kanya. Nakakainis nga kasi hindi pa kami nakakalabas talaga. Puro kuwentuhan lang habang nagyoyosi o kaya habang nasa taxi.

Hindi na lang puro tite ang pinag-uusapan namin. Nakakatuwa nga kasi kahit papaano may nakakausap na ako tungkol sa mga bagay-bagay. Ang hirap kaya mag-isa dito sa Maynila. Minsan nga sumisingit ako sa mga kuwentuhan ng pasahero ko para lang marinig ko ang boses ko. Mabuti na lang at merong Tess. Naikuwento nga kita sa kanya pero konti pa lang ang sinasabi ko.

Ang hindi ko maintindihan e kung bakit hindi siya puwedeng pumunta sa tinutuluyan ko o kung bakit hindi ko siya puwedeng dalawin sa apartment niya. Basta ipapaliwanag niya raw sa tamang panahon. Sa ngayon okey lang naman sa akin ang ganoon. Bate-bate na lang muna ako kapag nalilibugan.



Hindi ko alam kung ano talaga yung Tangina This. Basta may naihatid ako minsan sa Malugay tapos narinig ko na magpapatatak raw sila. Pagdating namin doon, nakakita ako ng mga naglalakad na may nakalagay na Tangina This sa tshirt. Naastigan ako kaya pumarada muna ako para patatakan yung dala kong pampalit. Wala namang bayad kaya bakit hindi. Buti kumasya sa yo. Sa mga nakita kong picture mo sa Facebook ang tingin ko e tumaba ka na e hehehe.

Ikaw, anong lagay mo diyan? Wag mo masyadong isipin sina May at Marie, baka mag-breakdown ka na naman. May kakuwentuhan ka ba diyan? Mura ba ang beer? Maghanap ka ng kausap, hindi yung kumukuha ka ng video ng mga ibon, para kang sira. Sori kung inuna ko ang chicks. Sulat ako uli pag may bagong nangyari.


Delfin

Sunday, May 6, 2012

Blacktown

Dear Delfin,

Pasensya ka na at ngayon lang ulit ako nakasulat. Nasira kase tong laptop na ginagamit ko. Ngayon ko lang din kase nakuha sa shop na pinagpagawaan ko. Yun pala kailangan lang palitan ang battery.Kung alam ko lang di sana ako na lang bumili ng battery at di ko na dinala sa shop. Nagbayad pa tuloy ako ng $80 para sa labor.

Kumusta pagmamaneho? Ako heto yun pa rin ang trabaho ko, nagtatranscribe ng mga usapan sa telepono. Nag-eenjoy din ako paminsan-minsan lalo pa't nakakarinig ako ng mga ganitong statement:


Female/55 yrs old/Home
"Hoy bruha wala pang lalakeng umiwan sa akin ang hindi bumalik. Yung asawa ko nga patay na bumabalik pa e. Hihihi."
Female/17 yrs old/Vehicle
"Talaga? Kamukha ni Rain yung boyfriend n'ya? My name is Rain, nasagasaan ng train, sumabog ang brain, hanggang ngayon buhay pa-rain."

Male/17 yrs old/Street
"Pare natikman ko na puday nun. Ang baho, amoy patay na bayawak."

Matatapos na rin yung trabaho ko sa Chatswood. Baka mga dalawang linggo na lang. Kase paubos na rin yung mga tina-transcribe kong mga Philippine conversation.Pagkatapos ng trabahong ito, Balik ulit ako sa painting job. Tinatawagan nga ako pinapabalik. Kase nag-resign kalahati ng crew nila. Kaya kahit gaano ko ka-dumi magpinta, wala silang choice kase desperado sila sa tao.

Anyway, nagpunta nga pala kong Blacktown kanina para bumili ng bagong cordless mouse. Suot ko yung pinadala mong tshirt na may nakasulat na TANGINA THIS! Sa loob-loob ko, kung makikita lang ako ni inay o nila ate na nakasuot ng ganoong tshirt, sisilaban ako nang buhay ng mga iyon. Pero dahil wala naman sila rito, at wala na rin akong maisuot na malinis na kamiseta, sinuot ko na rin. Muntik na kong mapa-away kase may nasalubong akong pinoy (maraming pinoy sa Blacktown) sabi ba naman sa akin: Hanggang dito sa Australia, dinadala mo 'yang katarantaduhan mo! sabay turo sa tshirt ko. Sabi ko Ha? Tapos sabi ba naman sa akin: Yang tshirt mo, kahihiyan 'yan sa mga Pilipino! Itapon mo 'yan! Wala ka sa Pilipinas, gago!

Kilala mo ko tol hindi ako pala-mura. Pero kanina, napamura talaga ko. Sabi ko sa kanya:

Putangina mo kung ayaw mong sungalngalin ko yang putaninang nguso mo, wag mo kong pakialaman putangina ka!

Sabay inambaan ko ng suntok ang putanginang kupal at bigla siyang tumalilis palayo. Pasalamat siya medyo may edad na siya, kung hindi hahabulin ko talaga at sasapakin.  Tangina n'ya, nananahimik ako, pati suot ko papakialaman.

Ano ba kase tong TANGINA THIS! tol? Ito ba ang usong kalokohan ngayon diyan sa Maynila?

O siya, 'yan ang adventure ko ngayong araw. Matutulog na ko maaga pa pasok ko bukas. Ingat!

Nagmamahal,

Xandro

video 
 video ng mga kalapating kumamain ng tinapay sa tapat ng bakery. alam ko mahilig ka sa kalapati kaya kinunan ko ito.

Monday, March 26, 2012

Gasolina

Xandro Utotero,

Buhay ka pa pala. Akala ko nabaril ka na diyan habang nagnanakaw sa puno ng bayabas. Hahahaha may puno ba ng bayabas diyan? Naalala ko tuloy nung hinabol tayo dati ni Aling Pedra nung makita niya tayong nagnanakaw sa puno niya ng bayabas.

Kupal yung boss mong Polish a. Pero buti na yun, at least nalipat ka sa mas susyal na trabaho, meron ka pang sariling desk at computer na ginagamit. Oo nga, saan kaya nila ginagamit yang mga tina-transcribe mo? Ano bang sinasabi? Baka nage-espiya sila sa gobyerno natin. Putaaaaaa baka maya maya niyan i-training ka na rin nilang assassin kagaya nung nangyari sa napanood natin dati na Naked Weapon. Ingat ka diyan kase di ba sa Naked Weapon, nung magiging assassin na sila, ginahasa muna sila ng mga sundalo. Hindi sila nakalaban kasi may pampatulog yung binigay sa kanilang inumin. Kaya kung ako sa yo tingnan mo muna yung ibang umiinom ng kape bago ka kumuha, baka hindi ka makalaban pag dumating na yung mga sundalo.

Dito sa Pinas tumaas na naman ang presyo ng gasolina. Bad trip yung bawas sa kita pero buti na lang at wala akong pamilyang sinusuportahan, di gaya nung ibang driver na nakakakuwentuhan ko. Sabi sa radyo hindi lang naman sa Pilipinas tumataas ang presyo, sabi naman sa ibang istasyon, tatamad-tamad ang presidente. Ewan ko, hindi ko maintindihan, di ako sigurado kung sino papaniwalaan. Si Papa Jack na nga lang pinapakinggan ko ngayon e.

Akala ko masisiraan na ako ng bait nung isang linggo. May nagpahatid kasi sa akin sa New Manila, nadaan kami sa Balete Drive. Napunta sa white lady ang kuwentuhan. Sabi niya sa akin hindi naman daw masama ang mga white lady, gusto lang nila ng katarungan. Puwede mo nga raw kausapin kung gusto mo.

Ang sabi niya, kapag pakiramdam mo may white lady sa paligid, humanap ka ng salamin. O kaya kahit anong bagay na makikita mo ang sarili mo gaya ng tubig, makintab na bagay, malinis na tiles, ganun. Tapos daw, tumingin ka sa bagay na yun at magtanong ka, "May gusto ka bang sabihin?".

Pag ginawa mo daw yun lilitaw yung white lady kung meron nga. Hindi siya magsasalita kaya kailangan tingnan mo siyang mabuti. Puwedeng may ituturo siya sa yo, o kaya may tinitingnan siyang isang bagay. Kadalasan daw itinuturo niya o kaya tinitingnan yung lugar kung saan siya namatay, o kaya kung saan nakatago yung ipinampatay sa kanya. Puwede ring kung saan siya nagbigti o kaya kung saan nakatira yung pumatay sa kanya.

Kilala mo naman ako di ba. Hindi ako basta naniniwala sa mga ganyang bagay. Sinakyan ko lang nang sinakyan yung kuwento ng pasahero kasi baka magbigay ng malaking tip. Awa ng diyos sinobrahan ng singkuwenta yung bayad sa akin.

Tapos isang gabi, habang nagbibiyahe ako sa C-5, pagkalampas ng konti sa Market Market, may naramdaman akong kakaiba. Akala ko nasira lang yung aircon kaya inadjust ko. Pero ganun pa rin. Para bang may nakasakay sa likod tapos nakatingin sa akin. E wala naman nung tumingin ako sa rear-view mirror.

Dun ko naalala yung kuwento sa akin nung pasahero kong nagbigay ng singkuwenta pesos na tip. Medyo natawa ako, kinabahan nang konti, tapos sabi ko, "May gusto ka bang sabihin?"

Maya-maya may naamoy ako, parang nasusunog na karne. Tapos parang nag-iba yung liwanag sa taxi ko. Tapos tanginang yan, pagtingin ko sa rear-view mirror, may babaeng nasusunog sa loob ng taxi ko. Nasusunog talaga, yung lumalagablab na apoy. Sa buka ng bibig niya parang sumisigaw siya pero walang lumalabas na tunog.

Muntikan akong mabangga sa trak amputa. Tinabi ko muna yung taxi saka ko nilingon yung babae. Wala naman. Inisip ko kung nakalimutan ko bang maghapunan o kung nakasinghot ba ako ng rugby o kung anuman. Hindi naman.

Kinabukasan may nagpahatid sa akin sa Pembo. Kinuwento ko sa kanya yung sinabi nung isa kong pasahero, tapos kinuwento ko rin yung nangyari sa akin nung gabi. Sabi niya may nabalitaan nga daw siyang babae na sinunog banda dun. Ginahasa raw, tapos ibinaba dun. Pero hindi basta iniwan lang. Binuhusan pa daw ng gasolina tapos saka sinindihan. Hindi niya raw alam kung ano nang nangyari, basta yun ang nabalitaan niya.

Kawawa naman ang babaeng yun kung totoo ang kuwento. Ang problema, hindi ko alam kung ano yung sinabi niya sa akin nung nagpakita siya. Natakot ako e, di ko napansin kung may itinuturo ba siya o may sinasabi. Sabi nung isang driver na pinagkuwentuhan ko baka raw nakasakay na sa taxi ko yung gumahasa dun sa babae. E mahirap namang malaman yun, kasi marami na akong naging pasahero. Siguro pag di na ako kinakabahan, dadaan ako uli sa C-5 tapos tatanungin ko kung ano nga uli yung gusto niyang sabihin. Sa ngayon iinom na lang muna ako ng gin para makatulog.


Ingat at good luck sa yo diyan,

Delfin


P.S. Sori, alam kong ayaw mo ng mga ganitong kuwento. Kailangan ko lang talagang mailabas sa dibdib ko.

Saturday, March 24, 2012

Chatswood

Dear Delfin,

Kumusta ka na tol? Pasensya na hindi ako madalas makasulat kase heto busy na naman sa trabaho. Hindi na nga pala ko nagpipintura. Nakahanap ako ng ibang trabaho kase hindi puwedeng asahan yung painting job.

Nahinto kase painting namin kase nga panay ang ulan. Sabay nung umaraw na, ayaw na sa akin ng boss kong Polish kase daw nakahanap siya ng kapalit ko. Backpacker na Brazilian na naka-student visa. Mas gusto nga naman niya yun kase kahin di niya pasahurin ng sapat, hindi makakapagreklamo sa gobyerno yun kase nga, wala siyang karapatang magtrabaho dito. Kaya nga student visa e.

Sa ngayon, medyo ok naman yung bago kong trabaho. Ang position ko nga pala ay Tagalog Native Speaker. Bale ang ginagawa ko tina-transcribe ko yung mga telephone conversations ng kung sino-sinong tao diyan sa Pilipinas. Hindi ko alam kung para saan gagamitin ng kumpanya namin ito at wala naman ako sa posisyon para magtanong nang magtanong. Parang nabadtrip nga si Marimar (boss ko) nang tinanong ko kung para saan yung mga tina-type ko. Sabi ba naman "Don't worry about it, Xandro, your job is to type."

Kaya hayun type ako nang type, buong araw 8 am to 4 pm. Ang problema nga lang, lagi akong inaantok. Kaya panay ang kape ko. Tutal naman libre ang kape. Every 30 minutes, nagtitimpla ko ng kape at dinadala sa mesa ko. Kase kapag hininto ko yung pagkakape, makakatulog ako. Ayokong bigla na lang akong maghilik nang malakas, baka masibak ako.

Walong tasa ng kape sa umaga, sampung tasa ng kape sa hapon kase mas nakakaantok sa hapon. Kayoa tuloy pagdating ng gabi, hirap na hirap din akong matulog. Kadalasan, puyat. Kaya magkakape na naman ako kinabukasan. Hay buhay. Nakapanood ako minsan ng impeachment trial diyan ni Ernesto Corona. Ano makukulong na ba siya? Andami palang bahay ng hayop na iyon no? Buti pa siya, di niya kailangang mag-abroad, di  niya kailangang malayo sa bansa niya, para lang kumita ng maraming pera. Samantalang mga OFW na tulad ko, tinitiis ang lungkot, hirap, lahat ng kalechehan para lang kumita. Sabay yung taxes ng mga remittance namin, pinambibili lang ng mansion ng mga kurakot na pulitiko sa atin. Ang sakit.

Napautot nga pala ko nang malakas sa opisina, buti na lang naka-suot ng headphone lahat. Hahaha. Saka hindi rin naman ako aamin na ako yun kahit pa i-torture. Basta deadma ko nang mangyari, parang walang naaamoy na mabantot. Itlog pa naman yung lagi kong kinakain. Kaya na-imagine mo amoy non pre.

Sige ingat ka sa pagmamaneho. Balitaan mo ko ng mga bago mong adventures.


Nagmamahal,

Xandro


Sa labas ng office.

Train station sa Chatswood.

Computer ko sa office.

Pantry-dito ko kumakain ng baon kong itlog at kanin tuwing lunch.

Graffiti nadaanan ko habang naglalakad papuntang train station.
Hulaan mo kung sino naalala kong bigla nang makita ko ito.

Wednesday, February 29, 2012

Wish

Dear Xandro Emotero,

Ganun yata talaga sa Pilipinas, may tae sa mga parke pero gaya nga ng sinulat mo, at least hindi natin nilalagay sa nursing homes ang mga magulang natin. Sabi ng horoscope sa binabasa kong tabloid kanina, wala namang perpektong lugar. Ang magagawa lang natin ay hanapin ang lugar na mamahalin natin sa kabila ng mga imperfections nito. Parang pag-ibig.

Akala ko ba hindi muna natin pag-uusapan sina Marie at May hanggat hindi ka pa nakakabalik dito. Tingnan mo yan, nahahawa na tuloy ako sa pagiging emotero mo.

Buti pa ikuwento ko na lang ang joke na sinabi sa akin nung isang drayber na nakakuwentuhan ko habang nag-aabang ng pasahero sa Quezon Ave.

Noong unang panahon raw, may isang matandang lalaki na may espesyal na kapangyarihan. Kaya niya raw tuparin ang anumang wish. Si LA Lopez daw, nagpunta sa kanya at nag-wish na sana makagawa siya ng hit single na babago sa buhay ng lahat. Pinuntahan rin siya si Aling Dionisia at nag-wish na sana ay sumikat at maging matagumpay na endorser ng feeds para sa baboy. Si Maricar Reyes? Nagpunta rin siya para makilala bilang isang mahusay na aktres. Basta, lahat daw ng nagpupunta sa matandang lalaking ito ay natutupad ang wish.

Ang problema lang, mahirap hanapin ang tambayan ng matandang lalaking ito. Kailangan mong tumawid ng pitong ilog at umakyat ng pitong bundok para makita siya. Hindi naman siya puwedeng i-text kasi hindi raw nagdala ng charger yung matanda at matagal nang naubusan ng batt ang cellphone niya. Bukod pa dito, isang wish lang ang kaya niyang tuparin sa isang taon kaya maraming nag-uunahan sa paghanap sa kanya. Meron nga daw isang kaso na may magwi-wish na sana kaya lang biglang tinusok ng karayom sa pusod nung susunod sa kanya. Ayun, nag-fountain ang dugo at tuluyan nang namatay. Ang point dito e mahirap talagang mag-wish dun sa matandang lalaki.

Tapos isang araw, nabalitaan ni Xandro ang tungkol sa matandang lalaki. Hindi ikaw yung Xandro na ito ha, kapangalan mo lang. Yun ang pangalan na ibinigay nung nagkuwento sa akin nito. Sabi ni Xandro, hindi ko kailangan ng yaman. Hindi ko kailangan ng kasikatan. Hindi ko kailangan ng kapangyarihan. Ang gusto ko lang ay malaman ang tunay na kahulugan ng buhay. Sa tulong ng matandang lalaking yun, aalamin ko ito at ipapaalam ko sa maraming tao. Tapos kinanta ni Xandro yung Imagine, yung kanta ni John Lennon. Kinanta niya nang buong puso kahit walang nakikinig. (play mo ito habang binabasa yung mga susunod na part)

Kinabukasan, matapos magpaalam sa kanyang mga kaibigan at mahal sa buhay, sinimulan ni Xandro ang kanyang mahabang paglalakbay.

Tinawid niya ang pitong ilog, at inakyat niya ang pitong bundok. Nakipagpambuno siya sa limang oso at walong buwaya, at naglagay ng maraming Off lotion para hindi makagat ng lamok na may dengue. Kumain siya ng masustansiya para hindi magkasakit, at gumamit siya ng po at opo sa lahat ng nakasalubong niya bilang tanda ng paggalang. Basta, ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya. Kailanman ay hindi siya sumuko dahil alam niyang mahalaga ang kanyang ipinaglalaban.

Sa wakas ay nahanap niya ang tambayan ng matandang lalaki. Nakatingin ito sa lupa, at mukhang malalim ang iniisip. Hindi sigurado si Xandro pero parang kamukha ng matandang lalaki si Renato Corona.
Kayo po ba ang matandang lalaki na may kapangyarihang tumupad ng mga wish? Sabi ni Xandro. Ako nga, sabi ng matandang lalaki. Lahat ng wish kaya kong tuparin. Pero bawal ang mag-wish ng additional na 100 million na wish. Isang wish lang talaga ang puwede, dagdag ng matandang lalaki.

Meron na po bang nakapag-wish sa inyo ngayong taon? sabi ni Xandro. Siyempre kailangan niyang siguruhin na hindi nasayang ang kanyang pagpunta.

Wala pa, sagot ng matandang lalaki. Kung gayon ay gusto ko po sanang mag-wish, sabik na tugon ni Xandro. Gusto ko sanang ibigay niyo sa akin ang pinakamahalagang aral sa mundo. Ang aral na puwede kong ibahagi sa ibang tao, aral na pagkatapos nilang marinig ay magbabago ang buhay nilang lahat, sabi pa ni Xandro, halos maluha-luha. Tapos sinimulan niyang awitin ang Imagine ni John Lennon

Magaling ka palang kumanta, sabi ng matandang lalaki pagkatapos umawit ni Xandro. Salamat po, sabi ni Xandro. Ipagkakaloob na po ba ninyo sa akin ang aking wish?

May hinihingi muna akong kapalit bago ko tuparin ang isang wish. Nakikita ko namang handa kang gawin ang kahit ano para lang makuha ang iyong kailangan, sabi ng matandang lalaki.

Ano po ang kapalit na gusto ninyo? tanong ni Xandro. Alam niyang handa siyang ibigay ang kahit ano para makamit ang pandaigdigang kapayapaan.

Naghubad ng pantalon ang matandang lalaki. Lumantad kay Xandro ang pinakamalaking titing nakita niya sa buong buhay niya, kasama na ang mga porn na napanood niya sa internet. Kahit hentai ay walang ipapalag sa titi na ito.

Lumapit ka, sabi ng matandang lalaki. Hubarin mo ang pantalon mo at tumuwad ka banda dito, dagdag ng lalaki paglapit niya. Kumapit ka nang mabuti. Masakit ito.

Malapit nang magdilim nang bumalik ang malay ni Xandro. Nakahiga siya sa mga natuyong dahon sa sahig ng gubat, at nakaakbay sa kanya ang matandang lalaki. May nakasinding sigarilyo sa kabila niyang kamay.

Matapos ang malalim na paghitit at pagbuga, tumingin sa kanya ang matandang lalaki. Ilang taon ka na? tanong nito. Trenta y siyete po, sagot ni Xandro habang tinitiis ang nararamdamang kirot sa kanyang likuran.

Trenta y siyete? sabi ng matandang lalaki. Trenta y siyete ka na, naniniwala ka pa sa mga wish wish na yan?


Wasak di ba,


Delfin



P.S.

Kung iisipin mo, natupad naman ang wish ni Xandro di ba. May natutuhan siyang napakahalagang aral.

Tuesday, February 28, 2012

Pendle Hill

Dear Delfin,

Tawa ko nang tawa sa kuwento mong chinupa ka ng pasahero mo. Hahaha. Ikukuwento ko nga sana kay ate nang magtawagan kami pero sigurado kong hindi siya matatawa. Kaya sinarili ko na lang ang pagtawa. Ano kumusta na? Mabuti naman at medyo nagagamay mo na ang buhay diyan sa Maynila. Alam ko, kayang-kaya mo yan.

Ako heto naiinip kase dalawang linggo na kaming walang trabaho. Panay kase ang ulan. E komo nga outdoors painting kami, kapag umuulan, wala ring trabaho. At no work, no pay. Kaya na-delay din ang padala ko ng pera kina inay. Hay, sana makahanap na ko ng trabahong matino. Yung pasok sa kurso ko. Nakakapagtaka na sa sobrang laki nitong Sydney, wala man lang mapaglagyan ang isang network adminsitrator na tulad ko.

Kanina nang medyo tumila ang ulan at sumikat ang araw, naglakad-lakad ako. napadpad ako sa park diyan sa may Pendle Hill. Napakalinis ng mga park dito tol, hindi katulad diyan sa atin na puro tae ng aso. At buti kung aso lang, pati tao, tumatae kung saan-saan. Dito ang linis ng park. Pinigilan ko nga lang ang sarili kong wag magpagulong-gulong sa damuhan. Walang katao-tao sa park, ako lang mag-isa. Dito kapag weekday, wala kang makikitang nakatambay, lahat nagtatrabaho. Di tulad diyan sa atin na sa lahat ng oras sa anumang araw, maraming mga taong pagala-gala. Hay, ang pagkakaiba nga naman ng first world sa third world.

Kaya lang, naalala ko na naman si Marie at si May. Di ko maiwasang hindi ma-imagine na nakaupo kami ni Marie sa bench at masayang pinapanood si May na tumatakbo-takbo at nagpapagulong-gulong sa damuhan, at naglalaro sa playground, at pagkatapos, papakainin namin yung mga kalapati sa park. Di ko maiwasang di maiyak, tol. Ang sakit talaga. Kaya ayokong nababakante, mas gusto kong laging may ginagawa. Kase kapag ganitong walang trabaho, lagi ko silang naaalala.

O siya, dito na lang muna. Ayoko na munang mag-isip.

Xandro


ps. magbaon ka lagi ng condom.







Friday, February 17, 2012

Whitney Houston

Delfin my friend,

Alam mo bang patay na si Whitney Houston? Yung kumanta ng I believe the children are the future tsaka And I will always love you? Basta, yung sikat na singer. Patay na siya.

Yun yung sabi sa akin ng isa kong pasahero nung isang araw. Ang nangyari, pinara niya ako sa bandang Kalayaan Makati, malapit sa call center dun. Pagkasakay niya sabi niya ihatid ko raw siya sa Maginhawa St. sa UP Village. Sabi ko walang problema.

Tahimik lang siya, tapos tingin nang tingin sa malayo. Medyo chicks siya, pero nahiya akong kausapin kasi mukhang suplada. Mukha pang may pinoproblema kaya naisip kong baka barahin lang ako.

Tapos pagdating namin sa may bandang Guadalupe, bigla siyang umiyak. Hindi ito yung tahimik na iyak, ha, iba ito sa iyak ni Judy Ann na tumutulo ang luha sabay umuuga ang balikat. Todo iyak na parang wala nang bukas ang ginawa niya. Nag-alala ako kasi baka madehydrate siya sa dami ng pinapatulo niyang luha. Sabi ko, Miss okey ka lang? Sabi niya, tangina mo, mukha ba akong okey?

E di tumahimik na lang ako at nagmaneho. Maya-maya, bigla siyang nagsalita. Patay na si Whitney Houston, sabi niya. Putanginang yan, patay na si Whitney Houston, habol niya. Sabi ko di ba singer yun mam? Yung negra yun di ba? Sabi niya oo, yun nga. Patay na siya.

Di ko nagets. Hindi naman siya negra, kaya malabong kamag-anak niya yung Whitney Houston. Sabihin na nating fan talaga siya ni Whitney. E ano naman ngayon. Bakit ka magngangangawa sa taxi kung namatay ang paborito mong singer? Bakit hindi ka na lang muna umuwi, tapos pagdating mo sa bahay patugtugin mo yung mga kanta ng paborito mong singer, saka ka umiyak. Hindi yung mumurahin mo pa yung taxi driver na walang kamalay-malay.

Tapos may tinawagan siya. Boyfriend niya yata, san daw ba siya nagkulang, bakit daw siya ipinagpalit sa iba, putangina niyong mga lalake, pare-pareho lang kayong lahat. Na-stress ako kaya binuksan ko nang mahina ang radyo.

E saktong pinapatugtog ang kanta ni Whitney Houston. And ay...yiyay...will olways lab yuuuuuuu sabi ng radyo. Tapos na yung tawag ng babae. Nakatingin siya uli sa malayo. Umiiyak uli siya pero hindi na maingay.

Medyo steady na siya pagkanan namin sa Kamias. Tinali niya ang buhok niya, inayos niya yung suot niyang blouse at nagsimula siyang mag-makeup. Tapos nung malapit na kami sa Maginhawa, kinausap niya ako. Kuya, sori, sabi niya. Sabi ko okey lang yun, mukhang may pinoproblema ka e. Sabi niya hindi kuya, sori talaga. Sori kasi nakalimutan kong ibalik sa bag ko yung wallet ko. Nagmamadali kasi akong umalis kanina sa opisina.

Sabi ko may pera ka naman siguro sa bahay niyo? Paano ang metro? Sabi niya pakitabi na lang daw muna sa gilid, tapos patayin ko daw muna ang makina ng taxi. Di ko naintindihan pero ginawa ko. May naalala akong balita tungkol sa isang taxi driver na naholdap.

Tapos ipinatong niya ang kamay niya sa bandang zipper ng pantalon ko. Kung puwede sana ganito na lang ang bayad ko, sabi niya habang binubuksan ang zipper ko. Tapos dinukot niya ang titi ko. Saka niya isinubo.


Tangina. Hindi ko man lang natanong yung pangalan ng babae. Lagi nga akong dumadaan sa Maginhawa tsaka sa Kalayaan ngayon, umaasang makikita ko uli siya. Pero hindi ko natsatsambahan e.


Nagbabate,

Delfin


P.S. Saka na ako sasagot sa mga sinulat mo. Gusto ko lang maikuwento to kasi wala akong ibang makuwentuhan dito.

Wednesday, February 15, 2012

Lane Cove

Dear Delfin,

Kumusta ang pagtataxi mo diyan sa Maynila? Ipagdarasal ko na sana wag kang mabiktima ng mga holdaper at kotong cops nang sa gayon ay maging maayos naman ang hanapbuhay mo. Kahapon dumaan ako sa internet cafe sa may malapit sa bus stop na inaabangan ko. Nagcheck ako ng facebook at di kita mahanap. Malamang nag-deactivates ka na naman ng account mo, siguro may pinagtataguan ka na namang babae. Hay naku, ayoko na magsermon, basta binalaan na kita tungkol diyan.

Nang matapos naming pinturahan yung hotel sa Parramatta, nursing home naman ang sunod naming kontrata. Dito sa Lane Cove. Ang ganda sa labas kase malaking mansion yung itsura, at may malawak na garden. Marami ring puno. Yung nursing home na ito ang pinakahuling hinihintuan ng bus na sinasakyan ko. Sobrang layo nito mula sa tinitirhan ko. 45 minutes sa train at 30 minutes sa bus. Kaya ang aga kong gumigising para hindi ma-late.

Napakaganda nga ng nursing home kung titingnan mo sa labas. Pero pag pumasok ka na sa loob, sobrang deppressing. At iba yung amoy. Hindi lang siya amoy tae tol. Mas higit pa. Parang na-iimagine ko na ganito ang amoy ng kawalang pag-asa. Kahit kung tutuusin, nangingibabaw ang amoy ng lysol at antiseptic, yung generic na amoy ng clinic. Pero sa ilalim ng amoy, mapapansin mo yung alingasaw ng kamatayan.

Nakakaawa yung mga matatandang nakatira dito. Parang naghihintay na lang sila kung kelan sila tatawid sa kabilang yugto ng buhay. May mga pinoy na caregiver na nakakakwentuhan ko kapag lunch break. Sabi nila, karamihan daw ng matatandang nandito, dinadalaw lang ng mga kamag-anak kung may papipirmahang cheke, o kung ibebenta na yung mga ari-arian nila sa labas. Matapos nilang palakihin ang mga anak nila, ngayong matatanda na sila, itatambak na lang sila dito sa nursing home, kasama ng ibang mga ulyanin, at pagsisilbihan ng mga bayarang empleyado, habang hinihintay nila ang huling hugot ng hininga.

Naisip ko tuloy, buti na lang, sa kultura natin diyan sa Pilipinas, hindi uso sa atin ang mga nursing home. Tayo mismong mga anak ang nag-aalaga sa mga magulang natin kapag tumanda sila. Ako, ayokong pagtanda ko, ilagak ako ng magiging anak ko sa ganitong lugar. Kunsabagay, kung hindi man ako magka-anak na, sigurado namang di ako pababayaan nina ate at ng mga pamangkin ko.

Nag-attach nga pala ko ng mga picture dito, kuha mula sa cellphone ko.

O siya, dito muna. Mag-ingat ka sa pagmamaneho.

Nagmamahal,

Xandro
sa bus stop

estatwa sa may bus stop


bus na sinasakyan ko

nursing home sa lane cove

balustrade na pinipinturahan ko

tray at roller

ang mala-higanteng boom lift

kuha mula sa boom lift

lunch time

garden

second floor balustrade

garden

matapos mapinturahan ang balustrade at mga columns

entrance

Tuesday, January 31, 2012

Kalabog

Xandro,

Alam ko, alam ko -- long time no write na naman ako.

Tinanggap ko na yung offer ng may-ari ng kuwarto ko na magmaneho nung taxi nila. Wala talaga akong ibang mahanap na trabaho e. Medyo nangangapa pa ako ngayon kasi hindi ko pa kabisado lahat ng pasikot-sikot ng Maynila. Dami ngang nababadtrip sa akin pag sinasabi kong pakituro na lang ang daan kasi hindi ko masyadong alam. Kesyo bakit pa raw ako nagtaxi driver e hindi ko naman pala alam ang mga daan. Kesyo nagpapalusot lang daw ako para tumaas ang metro. Tapos kung makabagsak ng pinto pag bababa na akala mo anlaki ng kasalanan ko sa kanila.

Hindi ko talaga matantiya yung mga tao dito. Tumira naman na tayo sa Quezon City nung nag-aaral tayo pero parang iba yung mga tao ngayon. Siguro dahil dati ang mga nakakasama natin e yung mga kapwa natin estudyante. Yung isang kapitbahay ko, si Kenneth ata yun, lagi akong tinatanong kung gusto ko raw bang malaman ang mabuting balita ng diyos. Sabi ko ang gusto kong malaman e kung nasan na ba si Ina Raymundo. Sabi niya hindi niya raw kilala yun, pero puntahan ko raw siya sa kuwarto niya minsan para makapag-bible sharing kami. Tapos binigay niya sa akin ang cellphone number niya tsaka kalahati nung binili niyang lutong ulam. Di naman daw niya kayang ubusin.

Gusto ko sanang makipag-inuman sa iba kong kapitbahay kaya lang hindi ko matsambahan. Panggabi kasi sila dahil nga nagtatrabaho sa call center. Nung minsang nakausap ko yung Erwin, ang unang pinakita e yung alaga niyang alakdan. Mahilig daw siya sa mga kakaibang alaga, inom daw kami minsan. Sabi ko sige, at takpan niya nang mabuti yung aquarium na pinaglalagyan niya ng alaga niya.

Ayos ka din a, painter ka na pala ngayon. Hindi ka naman nanghihina sa katatae nang labinlimang beses sa isang araw? Siguro yung CR diyan parang yung nakita ko nung pinila ko yung taxi sa Greenbelt, yung otomatik yung flush tsaka gripo tapos me parang hos na puwede mong itapat sa puwet mo kaya di na kailangan ng tabo. Ang haytek ng CR na yun putangina. Muntikan pa nga akong magmukhang tanga buti na lang inobserbahan ko muna yung ibang gumagamit nung gripo. Kunwari na lang nag-aayos muna ako ng buhok.

Gagu, biro lang yung hirit ko tungkol sa pagpapadala ng pera. Konting experience pa malalaman ko na ang mga tamang daanan tsaka pilahan ng taxi. Siguro naman pag nangyari yun lalaki na kahit konti ang kinikita ko. Di naman na siguro ako kakapusin. Ang pagtuunan mo ng pansin e yung pagpapadala ng pera sa ermats mo. Matanda na yun, kailangan nun ng pera para maalagaan nang mabuti ang sarili niya. Kamo bumili na nung mga vitamins tsaka maintenance para sa high blood, baka magaya siya kay Baylon na bigla na lang tumumba habang nagbi-bingo.

Mukhang updated ka sa mga balita diyan a. Di ko alam masyado kung anong nangyari sa Cagayan de Oro. Wala kase akong TV tapos ngayon lang ako nakakarinig ng balita sa radyo nung taxi.

Oo nga no, bagong taon na. Puta, Pebrero na nga e. Ano bang ginawa ko nun. Wala, bumili lang ako ng bilog tsaka kalamansi. Yun ang tinira ko sa labas ng bahay habang nanonood ng mga lumilipad na paputok. Di na nga sana ako lalabas kaya lang hindi ko gusto yung tunog ng mga paputok pag nasa loob ako ng kuwarto. Parang binabagsak na pinto ng taxi.

Wag kang tae nang tae diyan,

Delfin

Saturday, January 14, 2012

Parramatta

Dear Delfin,

Nakapunta na rin ako ng Ortigas nang minsang may inaplayan ako. Oo magaganda nga ang mga chickas diyan. Pero ingat ka tol. Hayan ka na naman. Pambababae na naman ang nasa isip mo. Di ka na nadala kay Jhen.  Dapat mong isipin na nariyan ka para magtrabaho at hindi mambabae, ok? Dagdag gastos lang yan at sakit ng ulo. Saka ka na mambabae kapag may trabaho ka na.

Ako heto kahit papaano nakakaraos din. Wala nang lasa sa akin ang itlog. Kinakain ko na lang ito para magkalaman ang tiyan.

Hindi na nga pala ko cleaner. May nakilala kong pinoy dito at naipasok niya ko bilang pintor. Mantakin mo yan! Pintor na ko ngayon! Naalala ko tuloy yung bahay ng tiyahin kong si Byutipul. Pininturahan namin dati ni Itay at ng pinsan kong si Jojo. Yun lang ang pagkakataong nakahawak ako ng brush. Pero ngayon professional painter na ko.

Tinanong ako ng boss kong Polish nang unang araw ako sa trabaho kung ano daw ang experience ko sa pagpipinta. Sabi ko marami na. Sabi niya, good daw. Sabay inabutan ako ng brush at bucket na may lamang pintura. Now you cut those low and high ceilings. Sabi ko ha? Ano'ng cut? Nagtanong ako sa nagpasok sa aking pinoy kung ano yung cut. Yun pala, papasadahan ng brush yung mga kanto ng kwarto na di kayang abutin ng roller. Yun pala yun. Kaya hayun, naging cutter ako.

Una kong sabak, nagpintura kami ng malaking hotel dito sa Parramatta. Na-assign sa akin lahat ng toilet. Napakaganda ng mga toilet tol. Sobrang linis pwede kang kumain sa loob, at puwede kang maghinaw ng kamay sa inidoro. Pero siyempre bakit ko naman gagawin yun. Pero alam mo na ibig kong sabihin. Sa sobrang ganda, di ko matiis na hindi tumae bago pinturahan. Kaya minsan, sa loob ng isang araw, mahigit labinlimang beses ako kung tumae. Bago ko pumasok sa umaga, di na ko tumatae para makatae pa ko sa hotel. At hindi ko tinatapos sa isang upuan kase alam ko, marami pang kuwartong naghihintay para mataehan ko.

Matapos ang mahigit isang buwan, matatapos na rin namin ang buong hotel. Katunayan, nasa ground floor na kami. Nagsimula kami sa 16th floor. Siguro may natitira pang mga siyam na toilet sa ground floor. Bukas, ang last day namin sa hotel kaya bukas tataehan ko lahat ng toilet na yun. Para naman buong pagmamalaki kong masasabi sa kahit kanino na ang hotel na iyon ay nataehan ko lahat ng kuwarto.

Saan ka nga pala nag-new year? Diyan sa Maynila? Ako pumunta ko sa Blacktown, doon sa bahay ng isang pinoy na nakilala ko nang minsang magsimba ako dito. Alas kuwatro pa lang ng hapon, nandoon na ako noong araw ng bisperas. Tapos sabi nila aalis daw kami, pupunta ng city para manood ng fireworks. Napanood ko sa TV na pinagmamalaki ng Sydney government na six million dollars daw ang ginastos nila sa fireworks display. Napanganga na lang ako kase alam ko, yung six million na yun, kaya nang bigyan ng panibagong buhay yung mga nasalanta ng bagyo sa Cagayan de Oro. Kaya di na ko sumama sa panonood ng fireworks display. Naalala ko kase mga typhoon victims diyan sa atin.

O siya, dito na lang muna. Mag-iingat ka diyan tol.

Nagmamahal,

Xandro


PS. Walang masama sa pag-tataxi tol. Marangal na hanapbuhay yan. Sa sweldo ko papadalhan kita ng pera, para kahit papaano makabili ka naman ng disenteng pagkain, hindi yung puro noodles ang kinakain mo.

Sunday, January 8, 2012

Ortigas

Xandro,

Sensya na ngayon lang ako ulit nakasulat dito. Hirap maghanap ng trabaho. Di ako tinatanggap sa mga call center kasi namimilipit ang dila ko pag nagi-Ingles. Dapat pala sineryoso ko yung mga dialogue sa pinapanood nating mga VHS ni Van Damme dati.

Sayang, andami pa namang chicks sa Ortigas. Anlakas ng dating sa akin ng konting makeup tsaka pormang pang-opisina. Ibang-iba sa mga babaeng nakikita ko sa atin. Ibang-iba kay Jhen.

Kaya lang mahirap siguro makaiskor ng chicks na ganun. Kelangan may kotse ka tsaka maraming anda. Nakakahiya naman kung dadalhin mo lang sa Jollibee tapos magta-tricycle kayo papunta. Dapat rin magaling kang mag-Ingles. May sinundan nga akong dalawang babae, usap lang sila nang usap habang naglalakad. Suwabeng-suwabe silang mag-Inglesan tapos ambabango pa. Tapos tanginang yan, lumingon sa akin. Di ako nakapagsalita. Umuwi na lang para magbate.

Ang mahal ng pagkain dito, puta. Nung isang araw anlayo ng nilakad ko para lang makahanap ng murang makakainan. Itlog pala ang trip mo diyan? Ako noodles. Sinasabaw ko sa kanin, solb na. Nakakasawa lang yung lasa ng betsin kaya napahanap ako ng karinderya. Dapat pala nagdala ka ng maraming noodles diyan. Masarap yun pag lalagyan mo ng itlog, hehe.

Sana makahanap na ako ng trabaho. Baka palayasin ako ng may-ari ng kuwarto pag di ko nasundan yung advance. Tangina kasi yan, may advance na nga may deposit pa. Para namang maitatakbo ko yung kuwarto. Ayaw pa nga sana akong tanggapin nung sinabi kong wala pa akong trabaho.

Baka patulan ko na yung taxi ng may-ari ng kuwarto ko. Naisip ko lang na mag-apply sa iba kasi di ko gusto ugali niya. No choice e. Ayokong bumalik sa atin.

May balita ka ba sa atin? Si Jhen, kinokontak ka ba? Dito na lang muna tayo magbalitaan. Di ko muna bubuksan ang facebook ko. Ayoko muna maalala ang mga tao sa atin.

Sana makahanap ka na rin ng mas maayos na trabaho diyan. Para mautangan na kita, hehehe. Try ko maglagay ng sagot dito nang mas madalas. Di ko pa matantiya mga kapitbahay ko dito kaya di ko pa nakakakuwentuhan.

Ayan, time na daw. Alis na ako dito sa rental. Ingat sila sa yo diyan.


Delfin