Tuesday, January 31, 2012

Kalabog

Xandro,

Alam ko, alam ko -- long time no write na naman ako.

Tinanggap ko na yung offer ng may-ari ng kuwarto ko na magmaneho nung taxi nila. Wala talaga akong ibang mahanap na trabaho e. Medyo nangangapa pa ako ngayon kasi hindi ko pa kabisado lahat ng pasikot-sikot ng Maynila. Dami ngang nababadtrip sa akin pag sinasabi kong pakituro na lang ang daan kasi hindi ko masyadong alam. Kesyo bakit pa raw ako nagtaxi driver e hindi ko naman pala alam ang mga daan. Kesyo nagpapalusot lang daw ako para tumaas ang metro. Tapos kung makabagsak ng pinto pag bababa na akala mo anlaki ng kasalanan ko sa kanila.

Hindi ko talaga matantiya yung mga tao dito. Tumira naman na tayo sa Quezon City nung nag-aaral tayo pero parang iba yung mga tao ngayon. Siguro dahil dati ang mga nakakasama natin e yung mga kapwa natin estudyante. Yung isang kapitbahay ko, si Kenneth ata yun, lagi akong tinatanong kung gusto ko raw bang malaman ang mabuting balita ng diyos. Sabi ko ang gusto kong malaman e kung nasan na ba si Ina Raymundo. Sabi niya hindi niya raw kilala yun, pero puntahan ko raw siya sa kuwarto niya minsan para makapag-bible sharing kami. Tapos binigay niya sa akin ang cellphone number niya tsaka kalahati nung binili niyang lutong ulam. Di naman daw niya kayang ubusin.

Gusto ko sanang makipag-inuman sa iba kong kapitbahay kaya lang hindi ko matsambahan. Panggabi kasi sila dahil nga nagtatrabaho sa call center. Nung minsang nakausap ko yung Erwin, ang unang pinakita e yung alaga niyang alakdan. Mahilig daw siya sa mga kakaibang alaga, inom daw kami minsan. Sabi ko sige, at takpan niya nang mabuti yung aquarium na pinaglalagyan niya ng alaga niya.

Ayos ka din a, painter ka na pala ngayon. Hindi ka naman nanghihina sa katatae nang labinlimang beses sa isang araw? Siguro yung CR diyan parang yung nakita ko nung pinila ko yung taxi sa Greenbelt, yung otomatik yung flush tsaka gripo tapos me parang hos na puwede mong itapat sa puwet mo kaya di na kailangan ng tabo. Ang haytek ng CR na yun putangina. Muntikan pa nga akong magmukhang tanga buti na lang inobserbahan ko muna yung ibang gumagamit nung gripo. Kunwari na lang nag-aayos muna ako ng buhok.

Gagu, biro lang yung hirit ko tungkol sa pagpapadala ng pera. Konting experience pa malalaman ko na ang mga tamang daanan tsaka pilahan ng taxi. Siguro naman pag nangyari yun lalaki na kahit konti ang kinikita ko. Di naman na siguro ako kakapusin. Ang pagtuunan mo ng pansin e yung pagpapadala ng pera sa ermats mo. Matanda na yun, kailangan nun ng pera para maalagaan nang mabuti ang sarili niya. Kamo bumili na nung mga vitamins tsaka maintenance para sa high blood, baka magaya siya kay Baylon na bigla na lang tumumba habang nagbi-bingo.

Mukhang updated ka sa mga balita diyan a. Di ko alam masyado kung anong nangyari sa Cagayan de Oro. Wala kase akong TV tapos ngayon lang ako nakakarinig ng balita sa radyo nung taxi.

Oo nga no, bagong taon na. Puta, Pebrero na nga e. Ano bang ginawa ko nun. Wala, bumili lang ako ng bilog tsaka kalamansi. Yun ang tinira ko sa labas ng bahay habang nanonood ng mga lumilipad na paputok. Di na nga sana ako lalabas kaya lang hindi ko gusto yung tunog ng mga paputok pag nasa loob ako ng kuwarto. Parang binabagsak na pinto ng taxi.

Wag kang tae nang tae diyan,

Delfin

Saturday, January 14, 2012

Parramatta

Dear Delfin,

Nakapunta na rin ako ng Ortigas nang minsang may inaplayan ako. Oo magaganda nga ang mga chickas diyan. Pero ingat ka tol. Hayan ka na naman. Pambababae na naman ang nasa isip mo. Di ka na nadala kay Jhen.  Dapat mong isipin na nariyan ka para magtrabaho at hindi mambabae, ok? Dagdag gastos lang yan at sakit ng ulo. Saka ka na mambabae kapag may trabaho ka na.

Ako heto kahit papaano nakakaraos din. Wala nang lasa sa akin ang itlog. Kinakain ko na lang ito para magkalaman ang tiyan.

Hindi na nga pala ko cleaner. May nakilala kong pinoy dito at naipasok niya ko bilang pintor. Mantakin mo yan! Pintor na ko ngayon! Naalala ko tuloy yung bahay ng tiyahin kong si Byutipul. Pininturahan namin dati ni Itay at ng pinsan kong si Jojo. Yun lang ang pagkakataong nakahawak ako ng brush. Pero ngayon professional painter na ko.

Tinanong ako ng boss kong Polish nang unang araw ako sa trabaho kung ano daw ang experience ko sa pagpipinta. Sabi ko marami na. Sabi niya, good daw. Sabay inabutan ako ng brush at bucket na may lamang pintura. Now you cut those low and high ceilings. Sabi ko ha? Ano'ng cut? Nagtanong ako sa nagpasok sa aking pinoy kung ano yung cut. Yun pala, papasadahan ng brush yung mga kanto ng kwarto na di kayang abutin ng roller. Yun pala yun. Kaya hayun, naging cutter ako.

Una kong sabak, nagpintura kami ng malaking hotel dito sa Parramatta. Na-assign sa akin lahat ng toilet. Napakaganda ng mga toilet tol. Sobrang linis pwede kang kumain sa loob, at puwede kang maghinaw ng kamay sa inidoro. Pero siyempre bakit ko naman gagawin yun. Pero alam mo na ibig kong sabihin. Sa sobrang ganda, di ko matiis na hindi tumae bago pinturahan. Kaya minsan, sa loob ng isang araw, mahigit labinlimang beses ako kung tumae. Bago ko pumasok sa umaga, di na ko tumatae para makatae pa ko sa hotel. At hindi ko tinatapos sa isang upuan kase alam ko, marami pang kuwartong naghihintay para mataehan ko.

Matapos ang mahigit isang buwan, matatapos na rin namin ang buong hotel. Katunayan, nasa ground floor na kami. Nagsimula kami sa 16th floor. Siguro may natitira pang mga siyam na toilet sa ground floor. Bukas, ang last day namin sa hotel kaya bukas tataehan ko lahat ng toilet na yun. Para naman buong pagmamalaki kong masasabi sa kahit kanino na ang hotel na iyon ay nataehan ko lahat ng kuwarto.

Saan ka nga pala nag-new year? Diyan sa Maynila? Ako pumunta ko sa Blacktown, doon sa bahay ng isang pinoy na nakilala ko nang minsang magsimba ako dito. Alas kuwatro pa lang ng hapon, nandoon na ako noong araw ng bisperas. Tapos sabi nila aalis daw kami, pupunta ng city para manood ng fireworks. Napanood ko sa TV na pinagmamalaki ng Sydney government na six million dollars daw ang ginastos nila sa fireworks display. Napanganga na lang ako kase alam ko, yung six million na yun, kaya nang bigyan ng panibagong buhay yung mga nasalanta ng bagyo sa Cagayan de Oro. Kaya di na ko sumama sa panonood ng fireworks display. Naalala ko kase mga typhoon victims diyan sa atin.

O siya, dito na lang muna. Mag-iingat ka diyan tol.

Nagmamahal,

Xandro


PS. Walang masama sa pag-tataxi tol. Marangal na hanapbuhay yan. Sa sweldo ko papadalhan kita ng pera, para kahit papaano makabili ka naman ng disenteng pagkain, hindi yung puro noodles ang kinakain mo.

Sunday, January 8, 2012

Ortigas

Xandro,

Sensya na ngayon lang ako ulit nakasulat dito. Hirap maghanap ng trabaho. Di ako tinatanggap sa mga call center kasi namimilipit ang dila ko pag nagi-Ingles. Dapat pala sineryoso ko yung mga dialogue sa pinapanood nating mga VHS ni Van Damme dati.

Sayang, andami pa namang chicks sa Ortigas. Anlakas ng dating sa akin ng konting makeup tsaka pormang pang-opisina. Ibang-iba sa mga babaeng nakikita ko sa atin. Ibang-iba kay Jhen.

Kaya lang mahirap siguro makaiskor ng chicks na ganun. Kelangan may kotse ka tsaka maraming anda. Nakakahiya naman kung dadalhin mo lang sa Jollibee tapos magta-tricycle kayo papunta. Dapat rin magaling kang mag-Ingles. May sinundan nga akong dalawang babae, usap lang sila nang usap habang naglalakad. Suwabeng-suwabe silang mag-Inglesan tapos ambabango pa. Tapos tanginang yan, lumingon sa akin. Di ako nakapagsalita. Umuwi na lang para magbate.

Ang mahal ng pagkain dito, puta. Nung isang araw anlayo ng nilakad ko para lang makahanap ng murang makakainan. Itlog pala ang trip mo diyan? Ako noodles. Sinasabaw ko sa kanin, solb na. Nakakasawa lang yung lasa ng betsin kaya napahanap ako ng karinderya. Dapat pala nagdala ka ng maraming noodles diyan. Masarap yun pag lalagyan mo ng itlog, hehe.

Sana makahanap na ako ng trabaho. Baka palayasin ako ng may-ari ng kuwarto pag di ko nasundan yung advance. Tangina kasi yan, may advance na nga may deposit pa. Para namang maitatakbo ko yung kuwarto. Ayaw pa nga sana akong tanggapin nung sinabi kong wala pa akong trabaho.

Baka patulan ko na yung taxi ng may-ari ng kuwarto ko. Naisip ko lang na mag-apply sa iba kasi di ko gusto ugali niya. No choice e. Ayokong bumalik sa atin.

May balita ka ba sa atin? Si Jhen, kinokontak ka ba? Dito na lang muna tayo magbalitaan. Di ko muna bubuksan ang facebook ko. Ayoko muna maalala ang mga tao sa atin.

Sana makahanap ka na rin ng mas maayos na trabaho diyan. Para mautangan na kita, hehehe. Try ko maglagay ng sagot dito nang mas madalas. Di ko pa matantiya mga kapitbahay ko dito kaya di ko pa nakakakuwentuhan.

Ayan, time na daw. Alis na ako dito sa rental. Ingat sila sa yo diyan.


Delfin