Thursday, November 10, 2011

Great Western Highway

Dear Delfin,


so nasa manila ka na pala. wag ka mag-alala at di ko sasabihin kay jhen na may kontakan tayo. at hindi mo na rin pala naasikaso yung bakod namin. hay. at si tata ote pa ang pinagbilinan mo. walang mangyayari diyan. hayaan mo na nga. magpapadala na lang ako ng pera kina inay (pag nagkapera ko) para mapapinturahan yung bakod.

ang hirap dito sa australia tol. pagkalaki-laking bansa, parang wala man lang mapaglagyan ang isang network engineer na tulad ko. kaya napilitan akong sumama sa nakilala kong waray sa paglilinis ng mcdonalds sa paramatta kapag gabi.

bale tumutuloy ako ngayon sa isang pinoy. na wala nang ginawa kundi itaas ang upa ko sa kuwarto. na kesyo tumaas daw ang kanyang mga bayarin lalo na sa kuryente. as if naman kasalanan ko. at puro itlog ang laman ng ref niya kaya nagawa ko na yata halos lahat ng recipe ng itlog. ambaho tuloy ng utot ko.

bale apat kaming naglilinis ng mcdo. puro tnt kasama ko. pinoy ang boss namin, yung may-ari ng cleaning company.  bale $16 ang minimum wage dito per hour. pero dahil nga mga tnt ang tauhan niya, sinuswelduhan niya lang kaming $8 per hour. at panay sigaw pa. buti na lang sanay na kong masigawan ni itay noong bata pa ko. tapos nang mag-uamga na (11 pm to 7 am yung shift) iniwan na lang kami basta. naglakad pa kami ng 45 mins papuntang train station. kahit pagod na pagod na kami. hay buhay.

nang dumating ako sa bahay, walang malamig na tubig sa ref. badtrip. pero ok lang kase malamig naman ang tubig sa gripo. gusto ko sanang maligo pero malamig ang tubig. ayaw ng landlord kong kapampangan na gumamit ng heater kase sobrang taas na raw ng bayarin niya sa kuryente. hay buhay.

nagprito ko ng itlog, nilagyan ko ng labanos. para maiba naman. ang sama ng lasa pero laman tiyan din.

sa isang libggo pupunta ko ng blacktown, bibili ng roaming sim para mura lang pag tinext ako nila ate. shet medyo tagilid ang financial na lagay ko. di pa ko nakakapagpadala kina inay.

hayaan mo to, yung pangako ko sa yo di ko nakakalimutan. doon ka magbebertday sa jollibee at sagot ko lahat ng gastos. o sige, dito muna. inaatok na ko.

nagmamahal,
xandro


ps.mag-iingat ka diyan sa maynila.


Saturday, November 5, 2011

Panaginip

Xandro,

Haha ampogi ng pictures mo sa facebook a. Mukhang hiyang ka diyan. Naalala ko tuloy yung sinasabi mo palagi kapag nakikita mo si Kris Aquino sa TV. Mukhang katatapos lang labasan.

O ano, mayaman ka na ba? Napanaginipan ko nga kung paano ka babalik sa atin e. Nakasuot ka raw ng amerikanang kulay puti, may fedora hat, maraming alahas, tapos pati ngipin may ginto. Tapos nang makasalubong mo raw si Aling Fely, yung may-ari ng patubig sa atin, sinampal mo raw siya ng isang bungkos ng pera. Tapos tuwang-tuwa pa ang putangina, tawa nang tawa habang hawak yung mukha niyang namaga dahil sa hampas. Tapos may dala ka raw machine gun. May pinuntahan kang bahay, hindi ko alam kung kanino, tapos binaril mo nang binaril. Kakaiba e no. Kakanood ko siguro ng pelikulang action.

Hoy di ko pa nakakalimutan yung pangako mo sa akin ha. Sabi mo pagbalik mo at mayaman ka na, ise-celebrate natin ang birthday ko sa Jollibee. Yung may mascot tsaka maraming lobo. Di ko lang alam kung puwedeng gulpihin yung mascot. Baka idemanda tayo. Pero di ba makapal naman yung costume, di naman siguro mararamdaman nung tao sa loob ang mga suntok.

Sori tol kung ngayon lang ako nakasagot sa sulat mo. Umalis kasi ako sa atin e. Naasar ako kay Jhen, lagi na lang yung mga magulang niya ang kinakampihan. Tsaka wala raw akong ambisyon. Bakit kasi punta siya nang punta dun sa bahay nina Jema. Siyempre, seaman ang asawa nun kaya kung anu-anong gamit ang nabibili. Ang yabang-yabang pa nung Jema, nagpupunta sa simbahan tapos dala-dala yung ipod niya. Di ko alam kung bakit sila magkaibigan ni Jhen.

Ayoko na sa atin, tol. Yung bakod niyo ibinilin ko na lang kay Tata Ote. Pinainom ko bago ako umalis. Sana maalala niya paggising niya. Di na nga ako nakapagpaalam sa ermats mo e. Nasa akin pa rin naman yung number niya, itetext ko na lang siya paminsan-minsan o kaya kung may ipapasabi ka.

Sayang si Jhen. Di ba nakita mo naman, tumino ako nung naging kami. Bakit kasi siya nagpapaimpluwensiya dun sa mga magulang niyang matapobre. Tangina nila, pag sinuwerte ako dito sa Maynila makikita nila.

Tol, galingan mo diyan ha. Pag wala kang makausap, sulat ka lang o kaya message mo ako sa Facebook. Sasagot ako agad kapag nakatiyempo.

p.s.
pag ng-message sa yo si Jhen sabihin mo wala tayong contact. Minessage ko na sa yo yung bago kong number.

Thursday, October 27, 2011

Sydney, here I comes!

dear delfin,

heto dumating din ako sa australia. the land down under sabi nga nila. maayos naman ang flight ko, medyo kinabahan lang ako saglit dahil medyo lumindol sa langit bandang hatinggabi pero mga ilang segundo lang naman. nakatulog din ako mga bandang ala-una ng madaling araw. nagtae ko dun sa pagkain sa eroplano. buti na lang may baon akong diatabs. tama yung sabi sa akin ni kuya dati, 'never left home without diatabs'.

paglanding ko sa airport, ibang bag yung nakuha ko sa escalator ng mga bag. e pano naman kase, kamukhang-kamukha ng bag ko. mabuti na lang naisipan kong magpalit muna ng brip. pasok ako ng cr. nang binubuksan ko yung kandado ng bag, ayaw pumasok ng susi ko. tapos napansin ko ibang bag pala ito! kaya hayun sinoli ko sa escalator ng mga bag. matagal akong naghintay sa may babaan ng mga bag. mangiyak-ngiyak na ko nang 30 minits na wala pa rin yung bag ko. nagtanong ako sa isang mamang naka-uniform ng pang-airport, sabi ko "hey, excuse me sir. i am xandro from the philippines. where's my bags?" tumingin siya sa akin at nagsalita pero di ko naintindihan. sa dami ng sinabi niya, ang naintindihan ko lang, 'no english'. noon ko lang napansin na bumbay siya.

napalukso ko sa tuwa nang makita ko yung totoong bag ko. yehey! nagtatalon ako sa airport. punta agad ako sa cr. ang linis ng cr nila pwede kang kumain. yun nga ang una kong ginawa, nakita ko kase sa bulsa ng bag ko yung baon kong boy bawang. hinalukay ko ang bag ko hanggang sa makita ko yung mga brip na regalo sa akin ni marie noong birthday ko last year. isang dosena yun, bago pa lahat.

naghubad ako ng pantalon at tinapon sa basurahan yung suot kong brip na may tae. at nagpunas ng tisue. ang daming tisue sa loob ng cr. sarap ng bagong brip! nang lalabas na ko sa may arrival, hinarang ako ng immigration officer ng sydney.

tinitingnan niya passport ko. nakatayo ako sa pila. tapos nagtawag pa siya ng isa pang opisyal. at yung tinawag na opsiyal, tiningnan din ang passport ko. at nagtawag pa sila ng isa pang opisyal. nang sobrang haba na ng pila sa likod ko, dinala nila ko sa isang tabi. at doon ako kinausap. tinanong-tanong ako tungkol sa visa ko, mga ganun, basta saka ko na lang ikukuwento sa yo. kalagitnaan ng "interview" sabi ko sa kanila, "ser, if you are going to interogate me, better put me in the small white room with the one-way mirror. because my legs are achy-breaky". natawa lang sila at sabi pa ng isa sa akin, "you've been watching too many hollywood movies, little man". matapos ang mga tanungan portion, na nasagot ko naman, pinayagan din akong makalabas ng arrival.

nakita ko yung mcdonalds bago lumabas ng airport at naisipang kumain muna. kaso wala pala silang kanin. baduy! puro burger lang at fries. nagtalo pa kami ng casher kase di kami nagkaintindihan. chips pala ang tawag nila sa fries.

sa wakas nakalabas din ng airport! sydney here i comes!

o, ikaw, kumusta ka diyan sa probinsya? sulat ka naman!


nagmamahal,

xandro.


p.s. pag di ka abala, pakipinturahan naman yung bakod namin sa harap ng bahay. tagal nang ibinilin sa akin ni inay yun, di ko nagawa.