Wednesday, February 15, 2012

Lane Cove

Dear Delfin,

Kumusta ang pagtataxi mo diyan sa Maynila? Ipagdarasal ko na sana wag kang mabiktima ng mga holdaper at kotong cops nang sa gayon ay maging maayos naman ang hanapbuhay mo. Kahapon dumaan ako sa internet cafe sa may malapit sa bus stop na inaabangan ko. Nagcheck ako ng facebook at di kita mahanap. Malamang nag-deactivates ka na naman ng account mo, siguro may pinagtataguan ka na namang babae. Hay naku, ayoko na magsermon, basta binalaan na kita tungkol diyan.

Nang matapos naming pinturahan yung hotel sa Parramatta, nursing home naman ang sunod naming kontrata. Dito sa Lane Cove. Ang ganda sa labas kase malaking mansion yung itsura, at may malawak na garden. Marami ring puno. Yung nursing home na ito ang pinakahuling hinihintuan ng bus na sinasakyan ko. Sobrang layo nito mula sa tinitirhan ko. 45 minutes sa train at 30 minutes sa bus. Kaya ang aga kong gumigising para hindi ma-late.

Napakaganda nga ng nursing home kung titingnan mo sa labas. Pero pag pumasok ka na sa loob, sobrang deppressing. At iba yung amoy. Hindi lang siya amoy tae tol. Mas higit pa. Parang na-iimagine ko na ganito ang amoy ng kawalang pag-asa. Kahit kung tutuusin, nangingibabaw ang amoy ng lysol at antiseptic, yung generic na amoy ng clinic. Pero sa ilalim ng amoy, mapapansin mo yung alingasaw ng kamatayan.

Nakakaawa yung mga matatandang nakatira dito. Parang naghihintay na lang sila kung kelan sila tatawid sa kabilang yugto ng buhay. May mga pinoy na caregiver na nakakakwentuhan ko kapag lunch break. Sabi nila, karamihan daw ng matatandang nandito, dinadalaw lang ng mga kamag-anak kung may papipirmahang cheke, o kung ibebenta na yung mga ari-arian nila sa labas. Matapos nilang palakihin ang mga anak nila, ngayong matatanda na sila, itatambak na lang sila dito sa nursing home, kasama ng ibang mga ulyanin, at pagsisilbihan ng mga bayarang empleyado, habang hinihintay nila ang huling hugot ng hininga.

Naisip ko tuloy, buti na lang, sa kultura natin diyan sa Pilipinas, hindi uso sa atin ang mga nursing home. Tayo mismong mga anak ang nag-aalaga sa mga magulang natin kapag tumanda sila. Ako, ayokong pagtanda ko, ilagak ako ng magiging anak ko sa ganitong lugar. Kunsabagay, kung hindi man ako magka-anak na, sigurado namang di ako pababayaan nina ate at ng mga pamangkin ko.

Nag-attach nga pala ko ng mga picture dito, kuha mula sa cellphone ko.

O siya, dito muna. Mag-ingat ka sa pagmamaneho.

Nagmamahal,

Xandro
sa bus stop

estatwa sa may bus stop


bus na sinasakyan ko

nursing home sa lane cove

balustrade na pinipinturahan ko

tray at roller

ang mala-higanteng boom lift

kuha mula sa boom lift

lunch time

garden

second floor balustrade

garden

matapos mapinturahan ang balustrade at mga columns

entrance

No comments:

Post a Comment